Para Sa Aking Bahaghari;

Pula : Katulad ng dugong dumadaloy sa akin, ang likidong pula na nananalaytay sa buo kong pagkatao, papunta sa puso—na kung saan nananahan ang pangalan at imahe mo, para mabuhay. Kinukumpleto mo na rin ang aking buhay. Madalas sabihing simbolo ito ng paghihimagsik at labanan, oo nga. Hindi ako matapang, pero handa kitang ipaglaban.


Kahel : Sabay nating aabangan ang paglamon ng kadiliman sa mala-kahel na kalangitan tuwing magtatakip-silim. Sabay nating sasaksihan ang kagandahan ng pagsuko ng araw, at hanggang sa salubungin na natin ang pagningning ng mga buwan at bituin. Akala ko ito na ang pinakapaborito kong pagmasdan, hanggang sa lumingon ako sayo. Ayoko ng kumurap.


Dilaw : Parang liwanag at init ng araw sa mundong ating ginagalawan, malayong distansya man ang pumapagitan, nadadama ko pa rin, hanggang sa pagpikit. Hanggang sa pagtulog. Kagaya ng presensya mo, na hinahanap-hanap ko. Hinahanap-hanap. At hinahanap-hinahanap pa rin. Sa kabila ng malayong distansyang pumapagitan, patuloy ka pa ring nararamdaman. Araw-araw.


Luntian : Tila isang halamang hindi pagsasawaang alagaan, pag-aalayan ng oras, kakausapin, didiligan para hindi malanta at tuluyang mang-iwan. Oo, isa kang bulaklak, at wala akong pakialam sa bawat tinik na posibleng makasakit sa akin. Kung ito lang ang tanging paraan para mapalapit sayo, ano ba naman ang tinik at dugo sa palad ko.


Bughaw : Kung paano ako kinakalma ng tunog ng agos ng bughaw na dagat, ganon din ang pakiramdam na ginagawa ng boses mo sa akin. Na parang gusto ko na lang pakinggan lang ng paulit-ulit. Na parang kahit sa paggising ko pa lang, at maririnig ko ito'y buo na ang araw ko. Pero gugustuhin pa ring marinig hanggang sa pagtulog ko. Hanggang panaginip pa'y baka marinig din. Mas maganda din yata kung kasama kitang naglalakad sa tabi ng dagat?


Anyil : Sa unang pagkakataong magtatama ang mga kamay natin, natatantya kong magkukulay-anyil ang akin sa kaba, sa takot, sa pangamba, at sa pag-aalinlangan kung aalisin ko ba o hahayaan lang. Magkakagulo na ang isipan kung itutuloy bang ang kamay mo'y hawakan. Gustong gusto ko itong hawakan. Pero sa oras na masanay ka nang hawak ko ang kamay mo, magkukulay-anyil rin ito ngunit hindi sa takot o kaba, pasensya na pero wala na kasi kong balak na bitawan ka pa.


Lila : Pagkatapos ng isang mahabang araw na kasama kita, nanuod man tayo ng bukang-liwayway at takip-silim, o nagdilig ng halaman, naglakad man tayo sa dalampasigan habang hawak ko ang 'yong kamay, sa gabi habang nagbibilang tayo ng mga bituin sa langit, magsawa ka man, paulit-ulit ko pa ring sasabihin sayo ang mga linya sa kanta ng lilang baklang dinosaur.