Sa kabila ng mga patak ng ulan
by Unknown
Ala una na ng umaga.
Plok. Plok. Plok.
Hindi maitatanggi ang dalang ingay na nakabibingi.
Ng ulan. Ng bawat pagpatak ng ulan.
Ala una na ng umaga at kataka-takang ako ay mulat pa at buhay na buhay ang diwa sa kabila ng nakakapagod at nakakatulirong araw na hindi ko maiiwasang magdaan.
Ala una na ng umaga at 'di ko alam kung bakit patuloy ko pa ring pinagmamasdan ang nagmimistulang butil ng tubig na bumabagsak sa aking bintana ng dahan-dahan.
Ala una na ng umaga at tila isang himala na para akong nakikinig ng musikang kay ganda sa bawat pagpatak ng ulan.
Ala una na ng umaga at sa kabila ng palakha-lakhang pagkulog at sa walang humpay na pagkanta ng mga palaka ay nakakaramdam pa rin ako ng kapayapaan.
Hanggang sa naisip kong...
Ala una na ng umaga at wala ka pa pala. Wala ka pa rin pala...
Ala una na pala ng umaga at sampung oras na ang nakalipas mula ng magsimula akong hintayin ka.
Dadating ka pa ba?
Kasi ala una na ng umaga at para na ako ditong tanga na kanina pa nakaabang sa pagbabalik mo.
Sa pagdating mo. Sa pinangako mo. Sa pagtupad mo sa pangako mo.
Nasaan ka na ba?
Hindi pa ba sapat ang paghihintay ko hanggang ala una ng umaga para malaman mong may babalikan ka pa? Na nandito pa rin ako? Na kahit na anong kasinungalingan pa ang sabihin mo ay sasakyan ko? At patuloy pa rin papaniwalaan ko? Na handa akong magpakamartyr mahalin mo lang ako? Mahalin mo lang ulit ako. Balikan mo lang ako. Tuparin mo lang ang mga pangarap ko..
Mahal mo pa ba ako?
Malamang hindi ang isasagot mo. Pero ayoko. Mahal, alam kong mahal mo pa ako. At babalik ka pa sa piling ko. Diba't pupunan pa natin ang mga pangarap mo? Ang mga pangarap na sabay nating binuo noong nagmamahalan pa tayo? Nagmamahalan pa rin naman tayo... hindi ba? Pakiusap, sabihin mong oo. Mahal mo ako. Mahal mo pa rin ako. At hindi 'yon nagbago. Hindi ba? Para mo ng awa, tumango ka sana.
Kasi mahal, handa akong maghintay ng hanggang kahit na anong oras, o araw o taon ng pagbabalik mo. Kahit pa umulan, o umaraw, basta't bumalik ka lang sa tabi ko.
Maniwala ka mahal.. Hihintayin kita dito.
Hindi maitatanggi ang dalang ingay na nakakabingi.
Ng ulan. At ng mga taong nababasa ng ulan.
Ala una na ng umaga at kataka-takang mulat pa ang lahat, at aligagang aligaga sa nangyaring 'di inaasahan..
Ala una ng umaga nang may matagpuang dalagang nakahiga sa basang kalsada at tila sinolusyunan ang problema sa tulong ng isang baril at bala.
Hindi na nya kinaya.