Sa Punto De Vista Niya

by

Walangya ako.

Di ko kamo iniisip ang damdamin mo,
Sabi mo sobrang damot ko na pati kaligayahan mo pinagkait ko pa sayo.
Ano ba kamong nagawa mo para saktan kita ng ganito?
Saan ka ba kamo nagkulang?
Pasensya na.

Ginago kita.

Pinaasa kamo kita na may forever at tayong dalawa na hanggang huli.
Sabi mo pa na ang kapal ng mukha ko para lokohin ka, at paasahin pa.
Ako naman kamo yung nagbigay ng unang motibo tapos gaganituhin kita.
Ang gulo-gulo ko kamo, hindi mo ko maintindihan.
Mapatawad mo pa sana ako.

Wala akong puso.

Hindi ko kamo naappreciate lahat ng effort at pagmamahal na binigay mo.
Sinayang ko lang kamo ang lahat ng pangarap at pangako natin sa isa't isa.
Tinatanong mo pa kung paano ko naatim gawin ang lahat ng ito sayo.
Pinuri mo pa ko at sinabing ang galing kong magpanggap na totoong mahal kita.
Kasi paniwalang paniwala ka.
Na umabot na kamo sa puntong iyon ang una mong naiisip sa paggising sa umaga.
Na mahal kita, at hindi kita iiwan.
Pero ano na kamong nangyari?
Hindi ko rin alam.

Walangya nga talaga ako.

Hindi ko nga kasi talaga naisip at inisip pa kung anong mararamdaman mo.
Mas inuna ko pa kasing isipin ang kahihinatnan ng buhay mo kung mananatiling tayo.
Pero sana tandaan mo na wala kang pagkukulang.
At kahit kailan ay hindi ka nagkulang.
Dahil ang lahat lahat sayo ay sobra-sobra na para sa akin.
Hindi ka nagkulang, mahal..
Pero madamot nga siguro ako.
Kasi pati ang sarili ko'y pinagkaitan ko din ng kaligayahan.
Diba sinabi ko na naman sa'yong sa'yo ako masaya?
Pinagkait ko ang sarili ko sayo.
Pero pasensya na talaga, hindi ko 'to gusto.

Gago nga ako.

Kasi ginawa ko pa rin ang lahat ng ito kahit na gustong gusto talaga kitang makasama habambuhay.
Pero ayoko sanang isipin mo na niloko kita o kaya'y pinaasa.
At 'wag mo rin isipin na wala lang sakin ang lahat ng ito,
Nasaktan din naman ako mahal.
Pero alam kong kasalanan ko naman 'to.
'Wag mo na rin sanang intindihin pa ang anumang nangyayari ngayon.
Kasi kahit ako, hindi ko rin maintindihan ang sarili ko.
Umaasa ako na balang araw ay mapapatawad mo pa ko.
Sana mapatawad mo pa ko.

Mayroon akong puso.

At ikaw lang ang tanging laman nito.
Pero sa mga puntong ito, unti-unti na itong nadudurog at tila napupulbos.
Lalo na't nakikita kitang nagkakaganyan, at dahil pa sakin.
Ang sakit.
Ang sakit na hindi ako umaapila sa mga sinasabi mong kasinungalingan.
Ang sakit na hindi ko masabi sa'yo ang totoo.
Pero alam ko namang alam mo na minahal kitang tunay.
Alam kong alam mo na sa bawat  pagtingin ko sa mga mata mo,
Ay lalo lang akong nahuhulog sa'yo.
Alam kong naririnig mo ang nagmimistulang kumakarerang kabayong tibok ng puso ko,
Tuwing nakikita na kitang nakangiti.
At alam kong ramdam mo sa bawat text at tawag ko sayo tuwing umaga, tanghali, at gabi,
Na may pakialam ako sayo, at hindi ko makakaya kung mawawala ka.
Pero sa pagkakataong ito, kailangan kong kayanin.
Mawawala ako pero hindi ang pagmamahal ko sa'yo.
At natitiyak ko na ikaw pa rin ang unang papasok sa isip ko sa paggising ko sa umaga.
At huling dadalaw sa isip ko bago ako matulog sa gabi.
'Yun ay kung makakatulog pa ako..

Walangya ako at ginago kita.
Pero tandaan mong mahal na mahal pa rin kita.
Kahit isipin mo na wala akong puso, wala akong pakialam.
Kasi parang malapit na nga din itong mawala na.
Ano ba namang saysay nito kung wala ka?

Walangya ako.

Ginago kita.

Wala akong puso.


Pasensya ka na.