Archive for March 2016

Sa kabila ng mga patak ng ulan

Ala una na ng umaga.

Plok. Plok. Plok.

Hindi maitatanggi ang dalang ingay na nakabibingi.
Ng ulan. Ng bawat pagpatak ng ulan.



Ala una na ng umaga at kataka-takang ako ay mulat pa at buhay na buhay ang diwa sa kabila ng nakakapagod at nakakatulirong araw na hindi ko maiiwasang magdaan.

Ala una na ng umaga at 'di ko alam kung bakit patuloy ko pa ring pinagmamasdan ang nagmimistulang butil ng tubig na bumabagsak sa aking bintana ng dahan-dahan.

Ala una na ng umaga at tila isang himala na para akong nakikinig ng musikang kay ganda sa bawat pagpatak ng ulan.

Ala una na ng umaga at sa kabila ng palakha-lakhang pagkulog at sa walang humpay na pagkanta ng mga palaka ay nakakaramdam pa rin ako ng kapayapaan.


Hanggang sa naisip kong...


Ala una na ng umaga at wala ka pa pala. Wala ka pa rin pala...

Ala una na pala ng umaga at sampung oras na ang nakalipas mula ng magsimula akong hintayin ka.

Dadating ka pa ba?

Kasi ala una na ng umaga at para na ako ditong tanga na kanina pa nakaabang sa pagbabalik mo.
Sa pagdating mo. Sa pinangako mo. Sa pagtupad mo sa pangako mo.

Nasaan ka na ba?

Hindi pa ba sapat ang paghihintay ko hanggang ala una ng umaga para malaman mong may babalikan ka pa? Na nandito pa rin ako? Na kahit na anong kasinungalingan pa ang sabihin mo ay sasakyan ko? At patuloy pa rin papaniwalaan ko? Na handa akong magpakamartyr mahalin mo lang ako? Mahalin mo lang ulit ako. Balikan mo lang ako. Tuparin mo lang ang mga pangarap ko..

Mahal mo pa ba ako?

Malamang hindi ang isasagot mo. Pero ayoko. Mahal, alam kong mahal mo pa ako. At babalik ka pa sa piling ko. Diba't pupunan pa natin ang mga pangarap mo? Ang mga pangarap na sabay nating binuo noong nagmamahalan pa tayo? Nagmamahalan pa rin naman tayo... hindi ba? Pakiusap, sabihin mong oo. Mahal mo ako. Mahal mo pa rin ako. At hindi 'yon nagbago. Hindi ba? Para mo ng awa, tumango ka sana.

Kasi mahal, handa akong maghintay ng hanggang kahit na anong oras, o araw o taon ng pagbabalik mo. Kahit pa umulan, o umaraw, basta't bumalik ka lang sa tabi ko.

Maniwala ka mahal.. Hihintayin kita dito.



Hindi maitatanggi ang dalang ingay na nakakabingi.
Ng ulan. At ng mga taong nababasa ng ulan.

Ala una na ng umaga at kataka-takang mulat pa ang lahat, at aligagang aligaga sa nangyaring 'di inaasahan..

Ala una ng umaga nang may matagpuang dalagang nakahiga sa basang kalsada at tila sinolusyunan ang problema sa tulong ng isang baril at bala.

Hindi na nya kinaya.

Ikinubling Pag-asa (isang liham mula sa umasa para sa walang habas na nagpaasa sa kanya)

Mahal,


Hindi ko alam kung paano 'to sisimulan. Kung uumpisahan ko ba mula sa araw na nagkakilala tayo, o mula doon sa araw na akala ko nagkakamabutihan na tayo, o 'di kaya'y sa mga sandaling akala ko mahal mo na rin ako. Hindi ko alam paano 'to sisimulan. Kasi ang sakit sakit alalahanin ng mga bawat sandali. Lalo na't naiisip ko na tila hindi pala tayo nagsimula. Mahal, wala pala tayong umpisa. Kasi 'yong mga bawat pagkakataon na 'yon pala ay mga pangwakas nang agad lahat. Huli na pala 'yon. Akala ko naman nag-uumpisa pa lang tayo. Hindi pala. Tapos na pala 'yon doon. Tinapos mo na agad doon.

Wala akong isusumbat sayo 'wag kang mag-alala. Pero hindi ko rin aakuin lahat ng kasalanan. Kasi alam kong wala akong ginawang mali, bukod sa umasa na baka seryoso ka. Sa tingin ko naman iyon lang. Nakakatawa talaga. Na nakakainsulto. Na nakakainis. At nakakapanggigil. Pero sabi ko nga, wala akong isusumbat sayo.

'Di ko naman isisisi sayo na nahulog ako. Hindi ko isisisi sayo na sa unang beses pa lamang na nagtama 'yung mga mata natin ay nakaramdam na ko ng pagbagal ng pag-ikot ng mundo sa kanyang aksis at naging tila isang mamahaling lente ng kamera ang aking mata na tanging sayo lang nakapokus, at malabo na ang iba. Hindi ko isisisi 'yon sayo, 'wag kang mag-alala.

Alam kong wala ka ring kinalaman sa pagkanta ng mga anghel mula sa langit tuwing naririnig kitang tumatawa, Alam kong 'di mo sila inarkila o kung ano pa man. Hindi mo rin naman kasalanan na tila dinadaluyan ako ng bolta-boltaheng kuryente tuwing aksidenteng nagkakadikit ang mga balat natin. Hindi mo naman kasalanan 'yon alam ko. 

Pero mahal, ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit mo ko ginanito? Bakit umabot tayo sa ganitong punto? Pinalabas mong gusto mo rin ako, pero para ano? Para may paglibangan ka lang ganon ba? Nakakatawa. Nakakaawa ka. Nakakaawa ako. Ganoon ka na ba kakulang sa atensyon na maiisip mong gawin 'yon? Hindi kita maintindihan. Mukhang wala kang interes sa tunay na pag-ibig na alay ko. Nakakaawa ka. Mukhang patuloy ka pa ring mabubuhay sa nakasarado mong mundo, na patuloy mong kokontrolin ang lahat ng bagay at hindi hahayaan na makapasok ang mga taong may pakialam sayo. Nakakaawa ka.

Pero mas nakakaawa ako. Kasi syet, pinaasa mo ko. Akala ko naman totoo na. 'Di mo pala alam yung salitang totoo at seryoso. Ang tagal kong inisip kung ano bang mali sa ginawa ko, eh nagmahal lang naman ako. Taapos napagtanto ko na mayroon pala talagang mali. Maling pagkakataon. At maling tao, mali ng pinag-alayan ng pag-ibig. Sayang naman tuloy. 

Ang dami ko na palang nasabi. Pagpasensyahan mo na ko, masakit pa rin kasi eh. Pero hayaan mo, ito na una't huling susulat ako sayo ng liham. Kasi mukhang 'di ko na kakayanin pang gumawa ng isa pa, kasi baka hindi ko na mapigilan at mamura na kita.

'Yun lang. Maraming salamat sa pagpapaasa. Karmahin ka sana. Paalam. 'Wag ka na sanang bumalik.



Nagmamahal,
Ang taong minahal ka ng totoo ngunit buong puso mo lang na niloko

Sa Punto De Vista Niya

Walangya ako.

Di ko kamo iniisip ang damdamin mo,
Sabi mo sobrang damot ko na pati kaligayahan mo pinagkait ko pa sayo.
Ano ba kamong nagawa mo para saktan kita ng ganito?
Saan ka ba kamo nagkulang?
Pasensya na.

Ginago kita.

Pinaasa kamo kita na may forever at tayong dalawa na hanggang huli.
Sabi mo pa na ang kapal ng mukha ko para lokohin ka, at paasahin pa.
Ako naman kamo yung nagbigay ng unang motibo tapos gaganituhin kita.
Ang gulo-gulo ko kamo, hindi mo ko maintindihan.
Mapatawad mo pa sana ako.

Wala akong puso.

Hindi ko kamo naappreciate lahat ng effort at pagmamahal na binigay mo.
Sinayang ko lang kamo ang lahat ng pangarap at pangako natin sa isa't isa.
Tinatanong mo pa kung paano ko naatim gawin ang lahat ng ito sayo.
Pinuri mo pa ko at sinabing ang galing kong magpanggap na totoong mahal kita.
Kasi paniwalang paniwala ka.
Na umabot na kamo sa puntong iyon ang una mong naiisip sa paggising sa umaga.
Na mahal kita, at hindi kita iiwan.
Pero ano na kamong nangyari?
Hindi ko rin alam.

Walangya nga talaga ako.

Hindi ko nga kasi talaga naisip at inisip pa kung anong mararamdaman mo.
Mas inuna ko pa kasing isipin ang kahihinatnan ng buhay mo kung mananatiling tayo.
Pero sana tandaan mo na wala kang pagkukulang.
At kahit kailan ay hindi ka nagkulang.
Dahil ang lahat lahat sayo ay sobra-sobra na para sa akin.
Hindi ka nagkulang, mahal..
Pero madamot nga siguro ako.
Kasi pati ang sarili ko'y pinagkaitan ko din ng kaligayahan.
Diba sinabi ko na naman sa'yong sa'yo ako masaya?
Pinagkait ko ang sarili ko sayo.
Pero pasensya na talaga, hindi ko 'to gusto.

Gago nga ako.

Kasi ginawa ko pa rin ang lahat ng ito kahit na gustong gusto talaga kitang makasama habambuhay.
Pero ayoko sanang isipin mo na niloko kita o kaya'y pinaasa.
At 'wag mo rin isipin na wala lang sakin ang lahat ng ito,
Nasaktan din naman ako mahal.
Pero alam kong kasalanan ko naman 'to.
'Wag mo na rin sanang intindihin pa ang anumang nangyayari ngayon.
Kasi kahit ako, hindi ko rin maintindihan ang sarili ko.
Umaasa ako na balang araw ay mapapatawad mo pa ko.
Sana mapatawad mo pa ko.

Mayroon akong puso.

At ikaw lang ang tanging laman nito.
Pero sa mga puntong ito, unti-unti na itong nadudurog at tila napupulbos.
Lalo na't nakikita kitang nagkakaganyan, at dahil pa sakin.
Ang sakit.
Ang sakit na hindi ako umaapila sa mga sinasabi mong kasinungalingan.
Ang sakit na hindi ko masabi sa'yo ang totoo.
Pero alam ko namang alam mo na minahal kitang tunay.
Alam kong alam mo na sa bawat  pagtingin ko sa mga mata mo,
Ay lalo lang akong nahuhulog sa'yo.
Alam kong naririnig mo ang nagmimistulang kumakarerang kabayong tibok ng puso ko,
Tuwing nakikita na kitang nakangiti.
At alam kong ramdam mo sa bawat text at tawag ko sayo tuwing umaga, tanghali, at gabi,
Na may pakialam ako sayo, at hindi ko makakaya kung mawawala ka.
Pero sa pagkakataong ito, kailangan kong kayanin.
Mawawala ako pero hindi ang pagmamahal ko sa'yo.
At natitiyak ko na ikaw pa rin ang unang papasok sa isip ko sa paggising ko sa umaga.
At huling dadalaw sa isip ko bago ako matulog sa gabi.
'Yun ay kung makakatulog pa ako..

Walangya ako at ginago kita.
Pero tandaan mong mahal na mahal pa rin kita.
Kahit isipin mo na wala akong puso, wala akong pakialam.
Kasi parang malapit na nga din itong mawala na.
Ano ba namang saysay nito kung wala ka?

Walangya ako.

Ginago kita.

Wala akong puso.


Pasensya ka na.

Powered by Blogger.