Ang kwento ng taco

by

Isang araw tinanong kita,
"Mahal anong gusto mong kainin? At ibibili kita",
At walang kaabog-abog kang sumagot na gusto mo ng taco.
Natuwa pa ako sa paraan ng pagsasabi mo nito,
Habang binibigkas mo kasi ito'y tila nagniningning pa ang mga mata mo
Kaya kahit hindi ko alam kung saan ako bibili ng taco,
Dali-dali na akong napatango
Kasi gusto ko lamang na sumaya ang mahal ko.
Gusto ko lagi kang masaya.

Nagpaalam na ako sayo at naghanap na ng pagkain mo
Ang tagal kong naglibot,
Ang tagal kong umikot,
Ngunit ako'y nabigo
Wala akong nahanap na taco.
Hindi ko nahanap ang gusto ng mahal ko.

Nakakainis.
Nakakalungkot.

Paano ako nito babalik sa'yo?
Tiyak na madidismaya ka.
Ayoko pa namang nakikitang malungkot ka.

Pero ano pa nga ba ang magagawa?
Eh sa wala akong nakita?
Mahal, maiintindihan mo naman siguro diba?

Bumalik na ako sa pinag-iwanan ko sa'yo.
At sinabi ko na wala akong nabili na gusto mo..

At ang mga sumunod na nangyari ay hindi ko na inaasahan.

Hindi ka lang pala madidismaya sa ibabalita ko,
O kahit unawain ako'y hindi mo rin pala magagawa
At sa halip ay nagalit ka pa
Sabi mo pa, parang taco lang hindi ko pa maibigay sayo
Pinagdudahan mo pa nga ako,
Ang tagal tagal kong umalis tapos ibang pagkain din pala ang dala ko
Baka kamo may iba lang akong pinuntahan
At idinahilan ko lang ang pagbili ng pagkain mo
Sinubukan kong magpaliwanag.
Sinubukan kong magpasensya.
Pero nakapagdesisyon ka na.

At 'yun na ang huli nating pagkikita.

Hindi ako makapaniwalang tinapos ng pagkain ang lahat.
Hindi ako makapaniwalang matatapos ang lahat.
Hindi ko inasahan na tatapusin mo na ang lahat.
Ng gano'n gano'n lang.
Natapos ang lahat.

Ilang araw akong nakiusap.
Ilang linggo kitang hinanap-hanap.
Hanggang sa naisip ko na lang na tapos na nga talaga ang lahat.
At nakita ko na lang na hindi pala sa taco ang problema.
Kundi sa'yo pala.
Hindi pa pala ako sapat.

Sinadya mo palang pahirapan akong maghanap ng punyemas na taco,
Sinadya mo palang paikut-ikutin lang ako.
Sinadya mo palang pagurin lang ako.
Para magkaroon kayo ng oras niyang bagong mahal mo.
Sinulit mo pala 'yung pagkakataong wala ako.
Sinulit mo 'yung pagkakataon na naghahanap ako ng pagkain na akala kong gusto ng mahal ko.
Mali pala ako.
Gusto mo lang palang umalis ako.
Gusto mo na palang iwan ako.
Gusto mo na palang tapusin ang tayo.
Iiwan mo na pala ko.
Kasi may mahal ka ng bago.
At alam mo ba?
Ang kapal ng mukha mo.
Pero mahal pa rin kita..
Mahal pa rin kita ng sobra sobra.

Isang araw tinanong ko naman ang sarili ko,
Paano kung hindi nalang ako nagtanong sa'yo ng gusto mo?
Mayroon pa kayang tayo?

Sana hindi nalang ako noon naghanap ng taco.
Tapos sinabi ko nalang sa'yo na, "Hindi mo na 'yon kailangan, nandito naman ako.
Kasi ikaw naman ang laging hinahanap-hanap ng mga mataco.
Kasi kumpleto na agad ang araw ko basta ikaw ang unang makitaco.
Tapos diba alam mo namang ika'y lubos na sinisintaco?
At wala  talagang sandali na naalis ka sa gunitaco.
Kaya mahal hindi mo na kailangan pa ng taco.
Kasi nandito naman ako. Sapat na ko sa'yo."

Pero wala.
Iniwan mo na ko.
Sumama ka na dyan sa bagong mahal mo.
Na hindi ko naman alam kung mahal ka ba.
Pero sigurado akong mas mahal kita.
At sinayang mo.

Letseng taco.
Letseng tayo.
Ay, wala na nga pala tayo.
Iba na nga pala ang mahal mo.
Eh 'di letse kayo.