Archive for April 2016

Sa kabila ng mga ulan (pt. 2)

...maniwala ka mahal. Hihintayin kita dito.


Hindi maitatanggi ang dalang ingay na nakakabingi.
Ng ulan. At ng mga taong nababasa ng ulan.

Ala una na ng umaga at kataka-takang mulat pa ang lahat, at aligagang aligaga sa nangyaring 'di inaasahan..

Ala una ng umaga nang may matagpuang dalagang nakahiga sa basang kalsada at tila sinolusyunan ang problema sa tulong ng isang baril at bala.

Hindi na nya kinaya.

Sinubukan niyang tapusin na ang paghihintay.
Tinapos na niya ang paghihintay sa taong mas pinili niya kaysa sa kanyang buhay.

Sinubukan niyang takasan ang sakit.

Pero mapaglaro ang tadhana. At balak pa yatang bumawi sa kanya bago nito bawiin ang buhay niya.



"Mahal nandito na ako. Nagbalik na ko." ang sabi niya sa dalagang ni hindi na maidilat ang mga mata.

Tila nakarinig ng isang magandang musika ang dalaga na nagdulot ng pagngiti niya.

"Hinintay kita mahal. Gaya ng ipinangako ko. Hihintayin kita.. At muli akong mangangako, hihintayin pa rin kita.."

"Mahal nandito na ko oh. Lumaban ka, pilitin mong lumaban. Babawi na ko sayo. 'Wag mo akong iiwan. Dito ka lang. Para mo ng awa."

"Naawa ka ba nung nakiusap akong 'wag mo akong iwan? Lumaban ka ba nung sinabi kong nandito lang din naman ako at 'di kita iiwan? Mahal hindi. Pero naghintay ako... At maghihintay pa rin ako sayo..."

"Patawarin mo sana ako...." punong puno ng sinseridad na sinabi ng binata ngunit tila huli na ang lahat. Huli na ang lahat para sa kanilang dalawa. Sinayang niya lang ang lahat.

"Masaya na kong ikaw ang huling taong nakita ko at huling taong nakausap ko bago ako mawala. Masaya na kong malaman mo na hinintay kita. At masaya na kong makitang binalikan mo ko. Masaya na kong nandito ka. Ngunit paalam na mahal, ako naman ang mang-iiwan sayo. Maramdaman mo man lang ang sakit na noo'y dinulot mo."


Hindi na niya kinaya ang sakit.

Binalak niyang takasan ang sakit.

Ngunit binago siya ng sakit.

Ako, Ikaw at Siya

Tatlong magkakaibang persona. Tatlong magkakaibang indibidwal.
Ngunit iisa lang ang hangarin.
Iisa lang ang pinapangarap.
At iisa lang ang inaasam.

Ang magmahal, at mahalin.

Kahit parang ang simple lang ng ating gusto,
Tila isang kalokohan ang mangyari ito.
Pero maswerte ka nga talaga siguro,

Dahil sa ating tatlo, ikaw lang ang nakakaranas ng dalawang ito.

Ikaw.

Ikaw lang 'tong nagmamahal at minamahal din.
Ngunit alam kong hindi ka pa rin masaya.
Hindi ka pa rin kuntento.
Hindi pa rin sapat ang lahat.
Dahil kahit ika'y minamahal din,
Hindi naman ito mula sa taong hinahangad mo.
Hindi naman mula sa taong mahal mo ang pagmamahal na nararamdaman mo.
Kundi mula sa akin.
Hindi pa rin sapat ang pagmamahal na dulot ko.
Hindi pa rin ako sapat.

Ako.

Ako itong nag-aalay ng pag-ibig,
Ngunit hindi maalayan ng pag-ibig pabalik.
Ako itong buong pusong nagmamahal,
Pero kahit kailan ay hindi naman minahal.
Hindi mo pa rin ako minamahal.
Hindi mo pa rin ako maalayan ng pag-ibig.
At hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa.
Patuloy pa rin akong umaasa.
Na kahit mayroong 'siya',
Ay maiisip mo pa rin na nandito ako.
At sana dumating na ang oras na matauhan ka na,
Ang oras na maiisip mong hindi ka niya mahal.
Mahal mo lang siya pero hindi ka niya mahal.
Pero ako mahal kita.
Pero hindi mo ito makita.
Kasi nakatingin ka lang sa kanya.

Siya.

Siyang pinakamaswerte sa lahat.
Dahil minamahal siya ng wala siyang kailangan gawin.
Pero siyang pinakagago sa lahat.
Dahil minamahal siya at wala siyang balak gawin.
Mahal siya ng taong mahal ko.
At hindi ko ba naman alam kung anong meron sa taong 'to,
Na nakuha siyang mahalin ng taong mahal ko.
Pero ayokong pilitin ang sarili kong maging siya,
Para lang mahalin mo.
Pero susubukan ko nalang na ipakita sayo
Ang mga bagay na higit kong mas kayang gawin kaysa sa kanya.
Kasi alam ko namang mas karapatdapat akong mahalin
Kaysa siya.
Alam kong mas sasaya ka sa piling ko,
Kaysa sa kanya.

Kasi mahal, kaya kitang mahalin.
Na hindi niya magawa.
Hindi mo ba nakikitang sinasaktan ka lang niya?
Samantalang ako, kaya kong ibalik lahat ng pagmamahal na binigay mo sa kanya.
Mamahalin din kita, higit pa sa inaasahan mo.
At mamahalin pa rin kita hanggang sa mga huling sandali ko.

Sa totoo nga niyan grabe na kitang mahalin kahit hindi mo pa masuklian,
Paano pa kaya kung pareho na ang ating nararamdaman?

Kaso pilitin ko mang maging posible ang lahat...
Pilit pa rin akong hinihila ng paligid sa realidad.

Pilit pa rin akong sinasampal ng katotohanang
Imposibleng magkaroon ng tayo.
Dahil gustong gusto mo na maging kayo.
Kaya dapat tanggapin ko nalang na magiging mag-isa lang ako
At patuloy nalang na titingin sayo.
Ikaw na mahal ko.
Patuloy nalang kitang titingnan mula sa malayo.
Habang pinapangarap mong mahalin ka din ng mahal mo.

Masakit pero wala akong magagawa.
Pero buti nalang at hindi lang ako ang tanga dito.
Dalawa naman tayo.

Ang kwento ng taco

Isang araw tinanong kita,
"Mahal anong gusto mong kainin? At ibibili kita",
At walang kaabog-abog kang sumagot na gusto mo ng taco.
Natuwa pa ako sa paraan ng pagsasabi mo nito,
Habang binibigkas mo kasi ito'y tila nagniningning pa ang mga mata mo
Kaya kahit hindi ko alam kung saan ako bibili ng taco,
Dali-dali na akong napatango
Kasi gusto ko lamang na sumaya ang mahal ko.
Gusto ko lagi kang masaya.

Nagpaalam na ako sayo at naghanap na ng pagkain mo
Ang tagal kong naglibot,
Ang tagal kong umikot,
Ngunit ako'y nabigo
Wala akong nahanap na taco.
Hindi ko nahanap ang gusto ng mahal ko.

Nakakainis.
Nakakalungkot.

Paano ako nito babalik sa'yo?
Tiyak na madidismaya ka.
Ayoko pa namang nakikitang malungkot ka.

Pero ano pa nga ba ang magagawa?
Eh sa wala akong nakita?
Mahal, maiintindihan mo naman siguro diba?

Bumalik na ako sa pinag-iwanan ko sa'yo.
At sinabi ko na wala akong nabili na gusto mo..

At ang mga sumunod na nangyari ay hindi ko na inaasahan.

Hindi ka lang pala madidismaya sa ibabalita ko,
O kahit unawain ako'y hindi mo rin pala magagawa
At sa halip ay nagalit ka pa
Sabi mo pa, parang taco lang hindi ko pa maibigay sayo
Pinagdudahan mo pa nga ako,
Ang tagal tagal kong umalis tapos ibang pagkain din pala ang dala ko
Baka kamo may iba lang akong pinuntahan
At idinahilan ko lang ang pagbili ng pagkain mo
Sinubukan kong magpaliwanag.
Sinubukan kong magpasensya.
Pero nakapagdesisyon ka na.

At 'yun na ang huli nating pagkikita.

Hindi ako makapaniwalang tinapos ng pagkain ang lahat.
Hindi ako makapaniwalang matatapos ang lahat.
Hindi ko inasahan na tatapusin mo na ang lahat.
Ng gano'n gano'n lang.
Natapos ang lahat.

Ilang araw akong nakiusap.
Ilang linggo kitang hinanap-hanap.
Hanggang sa naisip ko na lang na tapos na nga talaga ang lahat.
At nakita ko na lang na hindi pala sa taco ang problema.
Kundi sa'yo pala.
Hindi pa pala ako sapat.

Sinadya mo palang pahirapan akong maghanap ng punyemas na taco,
Sinadya mo palang paikut-ikutin lang ako.
Sinadya mo palang pagurin lang ako.
Para magkaroon kayo ng oras niyang bagong mahal mo.
Sinulit mo pala 'yung pagkakataong wala ako.
Sinulit mo 'yung pagkakataon na naghahanap ako ng pagkain na akala kong gusto ng mahal ko.
Mali pala ako.
Gusto mo lang palang umalis ako.
Gusto mo na palang iwan ako.
Gusto mo na palang tapusin ang tayo.
Iiwan mo na pala ko.
Kasi may mahal ka ng bago.
At alam mo ba?
Ang kapal ng mukha mo.
Pero mahal pa rin kita..
Mahal pa rin kita ng sobra sobra.

Isang araw tinanong ko naman ang sarili ko,
Paano kung hindi nalang ako nagtanong sa'yo ng gusto mo?
Mayroon pa kayang tayo?

Sana hindi nalang ako noon naghanap ng taco.
Tapos sinabi ko nalang sa'yo na, "Hindi mo na 'yon kailangan, nandito naman ako.
Kasi ikaw naman ang laging hinahanap-hanap ng mga mataco.
Kasi kumpleto na agad ang araw ko basta ikaw ang unang makitaco.
Tapos diba alam mo namang ika'y lubos na sinisintaco?
At wala  talagang sandali na naalis ka sa gunitaco.
Kaya mahal hindi mo na kailangan pa ng taco.
Kasi nandito naman ako. Sapat na ko sa'yo."

Pero wala.
Iniwan mo na ko.
Sumama ka na dyan sa bagong mahal mo.
Na hindi ko naman alam kung mahal ka ba.
Pero sigurado akong mas mahal kita.
At sinayang mo.

Letseng taco.
Letseng tayo.
Ay, wala na nga pala tayo.
Iba na nga pala ang mahal mo.
Eh 'di letse kayo.

BASO

Mahal, handa akong maging baso..
Na maging tulay upang pumatid ng uhaw mo
Na tumulong sa patuloy mong pagkabuhay
Na magsilbing instrumento para guminhawa ang pakiramdam mo

At sa oras na mapagod ka mula sa pagtakbo

O 'di kaya'y mula sa matinding pag-iyak na dulot ng mahal mo,
Tandaan mong handa akong maging baso
At sa tulong ng tubig na lulan ko
Mahal tutulungan kitang tumahan.
At papawiin ko lahat ng 'yong pagod.
Dahil bilang iyong baso,
Maging babasagin man ito o bao
Handa akong gawin ang lahat
Madampi lamang ang labi mo sa labi ko.

Gusto kong maging Ikaw

Sa nakalipas na mga araw, palagi ko ng iniisip kung paano nga ba..
Paano nga ba maging katulad mo? Paano nga ba maging isang katulad mo?

Paano maging ikaw?
Gusto kong maging ikaw.

Gusto ko sana kasing maramdaman kung paano ang mahalin.
Kung paano mahalin ng isang katulad ko.
Gusto ko sana kasing malaman kung anong pakiramdam ng mapahalagahan.

Kahit sandaling panahon lang..

Gusto kong mapahalagahan.

Gusto kong maranasan kung paano ang pangarapin tuwing paggising sa umaga.
Kung anong pakiramdam ng maya't maya inaalala kung kumain na o hindi pa.
Kung paano ba maging laman ng isipan ng isang taong wala kang pakialam.
Kung paano ba makabuo ng araw ng iba sa tulong lang ng aking presensya.
Sa tulong lang ng aking mga ngiti at tawa.
Kung paano kailanganin.
Kung paano hanap-hanapin.
Kung paano pahalagahan.
Kung paano maging ikaw.
Kung paano maging taong mahal ko.

Paano nga ba?

Naiinggit kasi ako.
Naiinggit kasi ako sa'yo.

Sa'yo na mahal ko.
Sa'yo na inaalayan ko ng buong atensyon ko.
Sa'yo na minu-minutong pumapasok sa isipan ko.
Sa'yo na siyang tanging laman ng puso ko.

Sa'yo.

Naiinggit ako kasi mahal kita.
Pero sa aki'y hindi mo masabi ang mga salitang mahal din kita.

Naiinggit ako kasi gusto kong mahalin mo din ako.
Naiinggit ako kasi hindi mo ko kayang mahalin.

Naiinggit ako sa'yo.

Ano bang pakiramdam?

Ano bang pakiramdam ng mahalin ng isang tulad ko?
Sobra na ba?
Naiirita ka na ba?
May mali ba sakin?
Ayaw mo ba sakin?

Oo no?

Ayaw mo sakin.

Pero mahal..
Gano'n ba talaga ko kahirap mahalin?

Na kakailanganin ko pang maging ikaw para maramdaman ko lang kung paano ang mahalin?

Wala ba talaga akong karapatan na mahalin din?

Kaya gusto ko talagang maging ikaw.
At kapag naging ako na ikaw..

Hindi ko na hahayaang may saktan ka pang iba.
Nang dahil sa hindi mo masuklian ang pagmamahal nila.

Kapag naging ako na ikaw,
Bibigyan ko na ng pagkakataon ang sarili mo na magmahal.
Na mahalin ang mga taong mahal ka rin.

Hahayaan kong sumaya ang ibang tao sa pagmamahal at atensyon na mula sa'yo.
At tiyak naman na sasaya ka rin sa pagmamahal na ibibigay nila sa'yo.

Mahal, gusto kong maging ikaw.
Kahit hindi mo man ako mahalin,
Ang importante naman sa akin ay ang sumaya ka.
Hindi man sa piling ko,
Ang importante ay masaya ka.

Gusto kong maging ikaw.
Para mabuksan ko na ang puso mong isinarado mo sa iba.

Gusto kong maging ikaw.
At gusto kong malaman mong mahal kita.
Sana alam mong mahal na mahal kita.

Powered by Blogger.