Walang pamagat
by Unknown
Sa simulang simula na makita kita,
Nagmistulan akong isang matalino ngunit desperadong tao,
Na agad-agad na nakapag-isip ng mga plano kasama ka,
Agad ko ng nakita ang hinaharap kong kapiling ka,
Na posible tayong dalawa.
Nakikita ko na ang mga araw nating magkasama na tila kay saya,
'Yun bang tipong wala akong pakialam kahit abutin pa tayo ng umaga.
Basta makita ko lang ang mga mata mo'y okay na,
Na marinig ko lang ang boses mo't masilayan ko lang ang pagngiti mo'y ayos na ayos na.
Kaso sa paglipas ng mga araw, tila hindi na yata nakikisama sa akin ang tadhana.
Mukhang ayaw mo naman pala yata.
Mukhang lumalayo ka na.
At alam mo bang sa bawat araw na ginagawa mo sakin ang mga parusang ito,
Tila isa-isang nabubura ang mga planong binuo ko na kasama ka.
Tila unti-unting naglalaho ang pag-asa kong sa hinaharap ay kapiling kita,
Na posible tayong dalawa,
Na posibleng maging ako ang sanhi ng bawat pagngiti mo,
Na posibleng matawag kitang akin, at ako'y sayo,
Na posibleng sumaya tayo,
Na posible ang lahat ng ito.
Pero maya't maya na ko sinasampal ng realidad,
At sinasabing gumising na ko bago pa umabot sa puntong panunuorin nalang kitang lumalakad,
Papalayo..
Papalayo sa mga pantasya ko.
Papalayo sa kalokohang naiisip ko.
Papalayo sa piling ko.
Kaya kailangan ko na ngang gumising,
Dahil oo, akala ko nga lang 'to.